Monday, November 02, 2009

undas

nakakatuwang isipin na sa tuwing dumarating ang undas, nawawala ako sa sarili ko. nababago ang ihip ng hangin. nanlalamig ako. napra-praning. para bang sinasapian ng masamang espirito, parang nakakakita ng multo. taon-taon, ganyan ang drama ng buhay ko tuwing dumarating ang araw ng undas. multo. oo, multo ng nakaraang damdamin. iyong damdamin na akala mo wala na, at mararamdaman mo na lang na mali ang akala mo pag nakita mo ulit siya. nakakatakot na nga eh, kasi para talagang multo ang nakikita ko. pareho sa pakiramdam. nakakapanindig balahibong isipin na sa tuwing undas, nawawala ako sa normal at hindi gumagana ang isip ko.

umibig ako ng ilang taon. ilang undas iyon na nagdaan na pare-parehong umikot sa iisang tao at sa iisang pangyayari. at hindi talaga aakalain ninuman na magagawa ng isang normal na babae ang umibig ng ganito ka-tahimik. iyon bang tipong pagibig na naitago na lang sa mga salitang naisulat at hindi manlang nabigkas. puro sulat na hindi naipadala... mga kanta ng pag-ibig na hindi nalapatan ng musika. nakakabingi ang katahimikan ng mga ganitong salita na nabuhay sa pagkukunwari. mga kandilang naupos na hindi manlang nakapabigay ng liwanag sa mga bagay-bagay.


maraming nangyayari sa akin tuwing undas, bukod sa pagdalaw sa mga mahal ko sa buhay na nauna na, isa itong araw ng pakikipagkita sa mga kakilala. isang tradisyon ng pakikipagkita sa mga kaibigan kong halos minsan sa isang taon ko na lang makita. masaya ang araw na ito sa akin - oo masaya dati. kasi dati lahat nakakausap ko. lahat nakakamusta ko. lahat kaya kong tingnan sa mata.

nakakatuwa ang mga tagpo ng undas sa buhay noon kasi para kaming bumabalik sa pagkabata. inaalala namin ang mga nakaraan. lahat halos puro katatawanan. mula sa pagkauso ng power rangers hangang sa pagdating ng backstreet boys at the moffatts. nakakasakit ng tiyan ang katatawanan noong gradeschool. ang saya naman kasi talagang isipin na nakaraan na pala ang mga iyon, para kasing kahapon lang.
at katulad ng mga kandilang nauupos na sa paglalim ng gabi, unti-unti na rin kaming nababawasan. nagsisiuwian na ang mga iba. matapos ang tawanan, sa huli, naghihiwa-hiwalay rin.

kasama ko siya dati sa mga tagpong ganito. at hindi ko masukat ang kasiyahan ko sa mga oras ng undas. kasama ko kasi siya eh, nakikita, at pwede pang hawakan kung may pagkakataon. nakakausap ko rin siya dati. ang bawat buka ng bibig niya, ang bawat kampay ng kamay, at tunog ng mga sinasabi niya - lahat iyon ay isang kantang napapakinggan ko magdamag hangang sa pag-uwi ng bahay.parang lss lang. hanggang sa paghiga sa kama. na dati, kung may superpowers lang ako, pipiliin kong ulit ulitin ang mga ganung tagpo. paulit ulit na kasiyahan na nakikita siya, nakakausap, at nakakasama.


lalo ko siyang minamahal tuwing dumarating ang undas noon. lalo akong nawawala sa sarili tuwing tinatawag niya akong "hoy/pssst". tuwing alam kong palapit na siya, umiinit ang pakiramdam ko, at pati mga katabi mga pinsan kong katabi ay hindi ko manlang mapakilala. kasi nga nakakawala sa sarili ang mga ganung pagkakataon. dalawa lang ang naiisip ko. "Siya" lang at ang pagkakataong iyon. ang sarap sa pakiramdam. 7th heaven, sabi nga nila.
noon iyon.

kahapon, sa araw ng undas, nakita ko ulit siya, at naging hanggang doon na lang ang lahat. kinailangan ko kasi siyang kalimutan dahil alam kong wala namang magandang mapupuntahan ang mga nararamdaman ko. alam kong magiging lanta lang ang mga bulaklak. at ang pagmamahal ay mamamatay lang. at kinailangan ko kasing patayin iyon at ibaon sa lupa.
sa lahat ng mga nangyari at hindi nangyari sa aming dalawa, hindi na namin nagawang magkita at magusap. nakakatawang isipin na ilang metro lang ang pagitan namin pero ni hindi namin magawang magkatinginan sa mata. walang humpay na iwasan. walang puknat na walang pansinan.

kamusta na kaya siya? gusto ko siyang kausapin kahapon. kasi, sa totoo lang, hindi naman na pareho ang nararamdaman ko sa kanya ngayon. alam kong wala na siya sa akin, sa wakas. kaya nga gusto ko na sana siyang maging kaibigan ulit. iyong parang dati. noong mga bata pa kami.

nasayang na naman ang araw ng undas. dahil dalawang taon na kaming nagkikita ng walang pansinan. literal na walang lapitang nangyayari. walang kamustahan. walang wala.


kamusta na kaya siya? buong gabi ko itong tinatanong sa sarili ko. gusto kong ipagdasal na lumapit siya na parang walang nangyari. pero naisip ko, wala nang nangyari eh, pero bakit kailangan siyang magalit sa akin? bakit bang kailangan pa ng mga tagpo ng walang pansinan alam kong galit siya. gusto kong ring tanungin siya kung bakit dahil sa pagkaka-alam ko, wala naman akong kasalanan sa kanya. sa pagkaka-alam ko, pinilit ko lang naman siyang kalimutan at hindi naman iyon kasalanan.
nasayang na naman ang undas. nalanta ang mga bulaklak at naupos ang mga kandila ng walang nangyayari. ultimong "hoy, pssst" hindi ko na narinig. dalawang taon na. dalawang taon ko na pala siyang nakikita na lang.


sa isang taon kaya? ano may multo na kayang tatawag ulit sa akin?

sana.

2 Comments:

Anonymous Anonymous said...

ikain na ntn yan czea!!

9:18 AM  
Blogger czacza said...

tara na! taenang yan. hahaha

8:22 PM  

Post a Comment

<< Home